Posted on: Thursday, June 18, 2009 11:34 Posted by: admin
Tampok sa pagdiriwang ng ika-111 taon ng Araw ng Kalayaan ay ang
pagtatalaga ng Department of Education (DepEd) sa may 9,403 na mga
bagong guro at 4,500 iba pang mangagawa sa ilalim ng emergency
employment program ng gobyerno.
Ayon kay DepEd Secretary Jesli Lapus, ang pagpapalakas ng ating human
resources lalo na ng mga guro ay isang "napapanahon at makabuluhang
pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan."
"Ang pagkakaroon ng trabaho lalo na sa hanay ng mga nagtuturo ay isang
paraan para parangalan ang ating bansa na nag-aruga sa atin,“ dagdag pa niya.
Pinangungunahan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pagdiriwang ng
Araw ng Kalayaan sa isang flag-raising at wreath-laying sa Rizal Park sa
Maynila. Kasama ni Pangulong Arroyo si Lapus na siyang co-chairman ng
national organizing committee ng pagdiriwang. Magkakaroon ng sabay-sabay
na pagtataas ng watawat sa iba't-ibang bahagi ng bansa sa araw na ito.
Sabi ni Lapus, “Habang lalo nating pinag-iibayo ang pagpapahusay sa mga
sistema at proseso ng DepEd, patuloy din tayong nakatutok sa propesyonal na
pag-angat at pagtutuok sa kapakanang pinansiyal ng ating mga guro.
Dagdag pa ni Lapus: “Ngayong taon, ang pagdiriwang ay nakapokus sa
pagbibigay ng trabaho lalo na sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa krisis
pang-ekonomiya sa buong mundo.” Ang mga kontrata sa emergency
employment ng mga non-teaching personnel sa mga paaralan ay magsisimula
sa Hulyo hanggang Disyembre.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Kagitingan, Kagalingan at
Kasipagan Tungo sa Tunay na Kalayaan." Ang iba't-ibang ahensya ng
pamahalaan ay magsasagawa ng mga programang magbibigay-trabaho at
pangkabuhayan sa iba't-ibang lugar sa bansa.
Ayon kay Lapus, Imbitado ang publiko sa mga libreng palaro, sine at iba pang
mga palabas na pangkultural dito sa Metro Manila at sa mga makasaysayang
lugar sa buong Pilipinas.
Kasama sa pagdiriwang ang makasaysayang simbahan ng Barasoain sa
Malolos Bulacan na dadaluhan din ni Lapus.
Binubuo ng DepEd, Department of Labor and Employment, Office of the
President, Department of Tourism, Department of Interior and Local
Government at National Historical Institute ang National Organizing Committee
ngayong taon.
Hinihikayat ng DepEd ang mga guro na pag-usapan sa klase ang mga
makabuluhang pangyayari sa ating kasaysayan na nagbigay daan sa ating
kalayaan. Maaari rin silang magsagawa ng mga essay writing contest, postermaking,
oratorical o declamation contests sa mga paaralan.
Samantala patuloy ang DepEd sa kampanya nito sa tamang paglagay ng
pambansang watawat at ang tamang paraan sa pag-awit ng ating pambansang
awit.
|